Loading...
Saturday, October 12, 2013

Sa likod ng mga ulap

Ting-Tank-Klank!

Paulit-ulit iyon na tunog na nagmumula sa isang basyo ng lata ng gatas sa tuwing ito ay tinatamaan ng mga nagliliparang tsinelas na goma.  Kasunod niyon ay ang mga mumunti at matatamis na halakhakan ng mga batang paslit ang iyong maririnig na pumapailanlang sa himpapawid, kasabay ng maalinsangang simoy ng hangin sa isang sulok ng mataong lugar na iyon sa Kamaynilaan.

Sa di kalayuan, taimtim na nakamasid ang isang patpating batang babae.  Nasa pagitan ito ng edad sampu hanggang labing-isa.  Nakasuot ito ng lumang bistidang kupas.  Medyo naglalagkit na rin ang kanyang kayumangging balat dahil sa tindi ng init ng panahon noong araw na iyon.  Kulot ang kanyang hanggang balikat na buhok at nagniningning ang kanyang bilugang mga mata habang pinagmamasdan ang mga batang naglalaro ng Tumbang Preso.

“Kata!”   Ngunit tila ba hindi niya naririnig ang tinig ng taong tumatawag sa kanya.  Nawiwili at lumilipad na naman ang kanyang musmos na kaisipan habang pinapanood ang mga batang naglalaro.

“Huy, Kata!”  Saka lamang niya napansin ang taong tumatawag sa kanya nang tapikin siya nito sa balikat.

“Wuy Bebeth.  Ikaw pala yan.  Pasensya na, hindi kita napansin.”

“Oo nga eh.  Bising-bisi ka kasi sa panonood mo sa kanila dyan.”  Sabay inginuso nito ang mga batang naghaharutan habang isa-isa nilang binabato ng kanilang tsinelas na goma ang lata ng gatas na nasa loob ng guhit na bilog sa gitna ng kalsada.

Halos magkasing edad lamang sila Kata at Bebeth.  Magkababata.  Sabay na lumaki at namulat ng maaga sa hirap ng buhay.  Kaya sa murang edad pa lamang ay natuto nang mag-banat ng buto.

“Ano, tara na Kata.  Sigurado ako marami nang tao ngayon dun.  Kailangan pa nating kumita ng pera.”
Tangan ang mga paninda nilang supot ng plastic sa kanilang mga kamay ay mabilis nilang tinahak ang daan patungong Divisoria.  Araw-araw ay ganito lagi ang kanilang ginagawa.  Matiyaga nilang sinusuyod ang kahabaan ng buong Divisoria kumita lamang ng kakarampot na barya.  Bawal ang magpahinga.  Wala din panahon maski sa paglalaro.

Kahit ang pag-aaral sa eskwelahan ni Kata ay kanya na rin munang pinagpaliban.  Mas mahalaga sa kanya ngayon ang kumita ng pera.  Nag-iisang anak lamang kasi siya ng kanyang inang may sakit na Ovarian Cancer.  Wala na rin siyang balita sa kanyang ama.  Ayon sa kanyang ina ay iniwan sila nito noong siya ay sanggol pa lamang.

“Inay nandito na po ako.”  Nadatnan niya ang kanyang ina na nakahiga sa isang lumang papag na sinapinan ng ilang piraso ng karton sa kanilang munting barong-barong, na matatagpuan sa ilalim ng tulay sa isang matao, mainit at magulong lugar ng Baseco, Tondo.

“Katarina anak, nandyan ka na pala.”  Akma sanang tatayo si Aling Maita ngunit pinigilan siya ng anak.  Bakas sa bahaw na boses ng ina ang matinding panghihina.  Halos buto’t balat na ito dahil sa matinding karamdaman.

“Inay, hayaan niyo po.  Lalo pa po akong magsisipag sa pagtatrabaho para maipagamot ko po kayo sa isang mamahaling ospital.”  Maluha-luhang niyang niyakap ng mahigpit ang ina.

“Pasensya na anak kung nagiging pabigat na ako sa iyo.”

“Huwag niyo pong sabihin iyan.  Kahit kailan ay hindi ko inisip na nagiging pabigat na kayo sa akin.  Sino pa po ba ang magtutulungan kundi tayong magkapamilya.  Saka masaya po ako sa tuwing may naiuuwi akong pera dito sa tahanan natin.”  Patuloy pa rin na bumabalong ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata.

“Pasensya na rin anak ha?  Kung pati ang iyong kamusmusan ay naisa-alang-alang na rin dahil sa sakit ko…”


Minsan isang tanghaling tapat habang nagpapahinga sina Kata at Bebeth sa isang malilim na bahagi ng bangketa…

“Kata, naitanong mo na ba minsan sa sarili mo kung bakit may mga taong sobrang yaman at meron din namang sobrang hirap, yung tipong masahol pa sa daga?  Yung ganito, tulad natin.”  Ang seryosong tanong ni Bebeth habang ngumangata ng isang pirasong santol na isinawsaw niya sa kakarampot na asin.

“Ano namang ibig mong sabihin dyan?” 

“Ang akin lang kasi, parang nakakapagod na rin kasing maging mahirap eh.  Madalas nga tinatanong ko ang Diyos kung bakit ganitong uri ng buhay ang ibinigay niya sa atin.  Medyo nakakapagtampo na rin kasi eh.”

“Huy Bebeth ‘wag ka ngang ganyan sa Diyos.  Oo minsan aaminin ko, nagtatanong din ako kung bakit naging ganito kahirap ang buhay namin ni Inay tapos may malubha pa siyang sakit.  Pero kahit kalian naman ay hindi ako nagtampo sa Kanya.”

“Saka laging sinasabi sa akin ni Inay na may dahilan ang Diyos kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito sa atin.  Hindi naman Niya tayo bibigyan ng isang pag-subok kung hindi natin ito kayang lampasan diba?”

“Oooh, Opo korek ka dyan Sister Katarina.  Amen! “  Sabay hagis kay Kata ng balat ng santol.

“Hoy Elisabeth, luka-luka ka talaga. Hahaha!”

Habang nagkakasiyahan sina Kata at Bebeth ng mga sandaling iyon ay humahangos na lumapit ang kapitbahay nilang si Aling Elsie sa kanilang kinaroroonan.  May dala-dala itong masamang balita.

“Kata! Mabuti naman at naabutan kita dito.  Ang nanay mo!”

“Ho?  Bakit ano pong nangyari kay Inay?”

“Isinugod namin siya sa ospital.  Narinig kasi namin siyang nagsisisigaw at humihingi ng tulong sa loob ng bahay niyo.  Pagpasok ko, nakita kong namimilipit na siya sa sakit.”

Mabilis na sumugod sina Kata at Bebeth sa isang pampublikong ospital.  Doon ay naabutan niyang mahimbing na natutulog ang kanyang ina sa isang kama sa may in-patient’s ward.  May nakakabit nang swero dito.

“Iha, kamag-anak ka ba ng pasyente?”  Ang tanong ng isang doktor na nag-aasikaso sa kanyang ina.  

“Opo dok, anak niya po ako.  Kamusta na po ang nanay ko?”

“Tatapatin na kita iha.  Hindi na maganda ang kondisyon ng iyong ina.  Napag-alaman namin na nasa terminal stage na ang kanyang Ovarian Cancer.  May 50/50 percent chance na mabuhay pa siya.  Kakailanganin din natin ng malaking halaga para sa operasyon niya.  Kailangan na kasing matanggal sa lalong madaling panahon ang malaking bukol sa matris ng iyong ina.  Para kahit papaano ay maibsan ang sakit na kanyang nararanasan.  Matagal-tagal na gamutan ito iha.”

Ang mahabang paliwanag sa kanya ng doktor.  Ngunit ang lahat ng iyon ay pumasok lamang sa isang tainga ni Kata at mabilis rin naglagos sa kabila.  Magkahalong takot, awa at pag-aalala ang naramdaman niya para sa ina sa mga oras na iyon.  Hindi niya alam kung saang lupalop siya kukuha ng ganun kalaking pera.

Mag-iisang linggo na rin naka-confine ang Ina ni Kata sa ospital.  Unti-unti na rin nauubos ang perang naipon niya mula sa pagtitinda ng supot sa palengke.  Hanggang sa ngayon ay di pa rin niya alam kung saan kukuha ng perang pampa-opera sa kanyang ina.

“Kata, may nahanap ka na bang pera para sa operasyon?”  Ang tanong ni Bebeth sa kanya, noong minsang binisita sila nito sa ospital.

“Wala pa nga Bebeth eh.  Nawawalan na yata ako ng pag-asa na maililigtas ko pa ang buhay ni Inay.”  Ang maluha-luhang tugon nito kay Bebeth.

“May alam akong paraan…”  Inilapit ni Bebeth ang kanyang bibig sa kaliwang tainga ni Kata.  May ibinulong ito sa kanya.

“Ano ka ba Bebeth, hindi ko kayang gawin ang magnakaw.”  Ang nabiglang bulalas ni Kata.

“Ssshhhh…. Wag ka ngang maingay dyan.  Basta pag-isipan mo.  Ikaw rin, baka di mo na abutang buhay yang nanay mo.  Bukas ng gabi, sasama ako kina Mang Gorio.  Nakakasawa na rin kasi ang ganito… isang kahig isang tuka na lang parati… basta pag-isipan mong mabuti ang mga sinabi ko Kata.”

Hindi akalain ni Kata na maski ang pinakamatalik niyang kaibigan ay kakapit na rin sa patalim.  Isinumpa niya sa sarili na hinding-hindi siya gagawa ng masama para lamang kumita ng pera.  May iba pang paraan… Ngunit kinabukasan ay di inaasahan ni Kata na malalagay sa bingit ng panganib ang buhay ng kanyang ina.  Inatake na naman ito ng matinding sakit at nagkumbulsyon pa.  Kailangan na talagang maipa-opera niya ito sa lalong medaling panahon dahil kung hindi ay baka mahuli na ang lahat.  Ayaw niyang mawala ang ina.  Mahal na mahal niya ito.

Noong gabing iyon, bagamat kinakabahan at medyo nagaalinlangan ay lakas loob na sumama si Kata kay Bebeth, kasama sina Mang Gorio at dalawa pang kalalakihan sa pagpasok sa isang tindahan ng intsik ng mga mamahaling cellphone sa Binondo.  

“Ilagay mong lahat yan dito sa dala kong bag Kata.”  Ang halos pabulong na utos ni Bebeth kay Kata habang nililimas nila ang mga cellphone sa isang babasaging istante.

“Bebeth, kinakabahan ako.”

“Huwag ka ngang maingay jan.  Baka may makarinig sa atin.  Bilisan mo na dyan, malapit na nating mapuno itong bag.”

“Oh mga bata, tara na.  Tiba-tiba na tayo dito sa mga nakuha natin.  Bilisan niyo baka may makakita pa sa atin dito.”  Ang utos sa kanila ni Mang Gorio.

Pagkalabas nila sa isang maliit na butas sa gilid ng tindahan ay umusal ng maikling dasal si Katarina.

“Diyos ko patawarin nyo po ako.  Kailangan na kailangan ko lang po talaga.  Walang wala na po talaga akong malalapitan.”

Ngunit ang hindi nila alam ay natunugan na pala ng may-aring intsik ang ginawang pagnanakaw sa kanyang tindahan.  Mabilis na bumaba ito mula sa kanyang tinutuluyan sa ikalawang palapag ng tindahan, bitbit ang isang kalibre 45 na baril.

“Hoy mga magnanakaw kayo.  Humanda kayo sa akin!”  Ang sigaw nito sa kanila.

Mabilis naman na nagsipuga sina Mang Gori at dalawa pang kasamahan nito.  

“Kata, takbo na!”  Akmang tatakbo na rin sana si Bebeth ngunit sa bigat ng dala-dala niyang bag ay hindi niya na ito nagawa.  Nahawakan na siya ng matabang intsik sa kuwelyo ng kanyang damit. Habang si Kata naman ay kumaripas na rin ng takbo papalayo.  Nahintatakutan.

“Ang liliit niyo pa, mga magnanakaw na kayo!”  Halos nagkakakawag na si Bebeth para lamang makatakas mula sa mahigpit na pagkakadakma sa kanya ng mamang intsik.  Iniumang nito ang hawak na baril sa direksyon ni Kata.

“Manong ‘wag po.”  Mabilis na nakagat ni Bebeth ang mga braso ng matabang intsik ngunit huli na ang lahat.  Nakalabit na nito ang gatilyo ng baril.

“Kataaaaa!!!!!!” ang nakabibinging sigaw ni Bebeth.

Sa mga sandaling iyon ay unti-unti nang nagdidilim ang paningin ni Katarina habang nakahandusay siya sa gilid ng bangketa.   Mahigpit pa rin ang pagkakahawak niya sa isang mamahaling cellphone sa kanyang kamay.

“Inay….”

Samantala sa may ospital…

“Dok, ang pasyente po.  Unti-unting bumababa ang vital signs.”  Bakas sa boses ng babaeng nurse ang pagkataranta…


“Kata…. Kata…. Katarina… Anak.”  Naalimpungatan si Kata mula sa kanyang pagkakahimbing.  Boses iyon ng kanyang Ina.  Napakalambing.  Bakas sa tinig nito ang di maipaliwanag na kapanatagan.

Bumangon si Kata mula sa kanyang pagkakahiga sa malambot na damuhan.  Puno ng bulaklak at nagliliparang paru-paro ang paligid. 

“Teka, nasaan na ba ako?”  Ang bulong nito sa sarili habang nagpapalinga-linga para hanapin ang pinanggagalingan ng tinig ng kanyang ina.

Masarap at banayad ang simoy ng hangin na dumadampi sa kanyang balat sa pook na iyon.  Napaka payapa ng buong paligid. 

“Katarina… dito anak…”  Nagmumula ang tinig sa kanyang likuran.  Agad niya itong nilingon…

Sa di kalayuan, ay nakatayo ang kanyang ina sa ilalim ng malaking puno na nasa tuktok ng isang madamong burol.  Maayos at payapa na ang itsura nito.  Hindi mo na maaaninag ang bakas ng sobrang hirap na dinanas nito simula ng igupo siya ng matinding karamdaman.  Mabilis na tumakbo si Kata papalapit sa kanyang Ina.  Niyakap niya ito ng ubod ng higpit.  

“Inay… akala ko po hindi na tayo magkikita pa.”  Halos maluha-luha siya sa sobrang galak.

“Oo anak… hinding hindi na tayo magkakahiwalay kailanman…”

“Halika na… hinihintay na Niya tayo…”

“Saan po tayo pupunta Inay?  At sino po ang naghihintay sa atin?” Ang nagtatakang tanong ni Katarina sa Ina.

Ngumiti lamang ang kanyang ina at itinuro ang kulay bughaw na kalangitan…

“Doon anak… kung saan hindi na natin mararanasan ang sakit at hapis… kung saan payapa at pantay pantay ang lahat… kung saan walang hanggan ang kaligayahan… “

Huminto saglit si Aling Maita at hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Katarina…

“Doon sa likod ng mga ulap… ang tunay na tahanan nating lahat… ang tahanan kung saan kapiling natin ang Poong May Kapal…”


- Wakas -


Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5

20 comments:

  1. lungkot naman. good luck sa iyong entry! magpunta ka sa SBA hehehe

    ReplyDelete
  2. Wow! Yan pala pinagkaabalahan mo. Galing! Good luck:)
    Nakakalunkot nga lang, pero they ended in paradise naman:) we all gonna be there one day if we believe God.

    ReplyDelete
  3. Nasa paraiso na pala sila, a beautiful destination!
    Wishing you the best for your entry!! Cheers!

    ReplyDelete
  4. Maraming good points ang kuwento. Mayroon ding moral dilemma. Babasahin mo talaga until the end. Good luck fiel! Naintriga ako sa Saranggola awards.

    ReplyDelete
  5. Pak!!!! ang haba ahahaha... good luck friend sa contest...

    ReplyDelete
  6. Sad, pero congrats kuya, ang galing ! so deep huh. Goodluck kuya !! :D

    ReplyDelete
  7. Good luck Fiel. Wala na akong masabi. Tanging isang malakas na palakpak lang, sabay pahid ng sipon ko. Ay, teka, ubos na pala ang tisyu ko. Kasalanan mo. Basta, break a leg talaga. Salamat sa kwentong ito.

    ReplyDelete
  8. Hindi ko binitiwan mula umpisa hanggang dulo, nakakaantig yung kwento, fiction lang pero nangyayari sa reyalidad.
    Clap, clap! Ang ganda!
    Goodluck!

    ReplyDelete
  9. ooh kalungkot.... goodluck sa entry paps!!!!!

    ReplyDelete
  10. ka sad naman 2! goodluck sa entry!

    ReplyDelete
  11. Galing ng kwento sir, Goodluck po..

    ReplyDelete
  12. Ngayon lang nagkatime para mag basa .. at waw.. ang ganda ng kwento mo.. goodluck dito Fiel :)

    ReplyDelete
  13. Nice one Fiel kahit nakakasikip ng dibdib :(

    Good luck Pusa! Susundan ko etong entry mo. Sabihin mo lang pag kelangang may mag-tweet at mag-like ha :)

    ReplyDelete
  14. Ang ganda! Huuu! Good luck sa entry mo Fiel! :D

    ReplyDelete
  15. Sa buhay ng tao darating ang pgkakataon u have to take the risk to survive ... Fiel , isang mahigpit na laban para sa saranggola awards , matalo o manalo , suportado ako sayo

    ReplyDelete

 
TOP