Loading...
Wednesday, May 27, 2015

Ang sugatang bakod...

Isang araw ay naabutan ni Mario ang kanyang anak na si Dave na galit na galit habang may kausap sa telepono.

“Ano ba kayo? Simpleng project lang hindi niyo pa magawa ng maayos? Ako na lang ba ang may utak sa grupo natin? O talagang sinasadya niyo lang na iasa sa akin ang lahat. Sa susunod na semester ay hindi na ko kukuha ng mga ka-grupo na bobo at tamad. Mas mabuti pa sigurong magsosolo na lang ako kesa makasama kayo...”

Pagkababa ni Dave ng telepono ay malumanay siyang kinausap ng kanya ama.  “Anak, may problema ka ba? Narinig ko kasi na may sinisigawan ka sa telepono.  Gusto mo bang pag-usapan natin ang tungkol dito?” ang tanong ni Mario.  

“Yun kasing mga ka-grupo ko sa final project namin eh, ambobo at ang tatamad.  Sa akin na lang nila iniaasa ang lahat.  Sayang lang pinapang-tuition sa kanila ng mga magulang nila dahil ambobo nila” giit ni Dave.

“Anak, hindi naman kaya masyado ka nang nakakapagbitaw ng masasakit na salita? Hindi naman masamang magalit pero sana anak ay matutunan mong ma-kontrol ito ng tama.  May mga pagkakataon na kami ng mama mo ay hindi nagkakasundo.  Nagagalit din kami pero hindi mo kami maririnig na nagsisigawan o nagbibitaw ng masasakit na salita sa isat-isa” ang paliwanag ng kanyang ama.

“Tama ka Dad.  Sa tingin ko ay may problema nga ako pagdating sa pagtitimpi. Pag nagagalit ako ay hindi ko na mapigil ang sarili ko na magbitiw ng masasakit na salita. Napansin ko na yung mga dati kong kaibigan ay lumalayo na sa kin simula ng mapagsalitaan ko sila ng masama. Tulungan mo ako Dad na mabago ang sarili ko.  Paano ba ang gagawin ko?” tanong ni Dave.  

“Ok, anak. Maganda na inaamin mo ngayon na may pagkakamali ka nga. Halika at samahan mo ako sa likod-bahay.  May ipagagawa ako sayo” sabi ni Mario.

Bago magtungo sa likod bahay ay kumuha muna si Mario ng isang plastik ng mga pako at martilyo.  Sa likod bahay ay ipinakita ni Mario sa anak ang isang lumang bakod na gawa sa punong narra.

“Anak, ganito ang gagawin mo.  Sa tuwing magagalit ka at pakiramdam mo ay hindi mo na makontrol ang sarili mo ay kumuha ka ng isang pako at ibaon mo dito sa lumang bakod natin.  Sa halip na makapagbitiw ka pa ng masasakit na salita ay gusto ko na sa bakod na ito mo ibuhos ang lahat ng galit mo.  Sa ganitong paraan ay maiiwasan mong makapanakit ng kapwa at unti-unti ay mapapansin mo na nagbabago ka na” paliwanag ni Mario.

Sa unang araw na ginawa ni Dave ang itinuro ng kanyang ama ay nakapagbaon agad ito sa lumang bakod ng 37 na piraso ng pako. Isa itong patunay na sadyang magagalitin ang binata.  Pero sa halip na magbitiw ng masasakit na salita ay sa bakod niya ibinuhos ang galit niya.  At paulit-ulit itong ginawa ni Dave, ang pagbabaon ng pako sa bakod, sa tuwing magagalit siya. 

Pagkalipas ng ilang linggo ay unti-unti nang nababawasan ang pako na ibinabaon ni Dave sa kanilang lumang bakod. Hanggang sa isang araw ay wala ni isa mang piraso ng pako ang ibinaon si Dave.

Dad, tama ka! Dahil sa itinuro niyo sa akin ay unti-unti kong nalaman kung paano magtimpi ng galit.  Alam niyo ba na ngayong araw na ito ay wala akong ibinaon na kahit isang piraso ng pako.  Mas madali pa palang mag-kontrol ng galit kaysa magbaon ng pako sa lumang bakod na gawa sa narra” pabirong sabi ni Dave sa ama.

“Magaling anak. Ngayon ay handa ka nang matutunan ang susunod kong ituturo sayo. Halika at samahan mo ulit ako sa likod-bahay natin.”

Pagdating sa likod-bahay ay may bagong iniutos si Mario sa kanyang anak.  “Ngayon anak, ang gusto kong gawin mo ay bunutin mo isa-isa ang bawat pakong ibinaon mo sa lumang bakod natin.  Sa bawat araw na tagumpay ka sa pagtitimpi ng galit ay bubunot ka ng isang pako.  Gagawin mo ito araw-araw hanggang sa maubos mo na ang lahat ng pako” sabi ni Mario at sinunod nga ni Dave ang ipinag-uutos ng kanyang ama.  Sa bawat araw na nakakapagtimpi siya ng galit ay isang pako ang binubunot niya mula sa lumang bakod.  At pagkalipas ng ilang linggo ay ipinakita na ni Dave sa kanyang ama ang kanilang lumang bakod.

“Dad, tignan mo. Naubos ko na ang lahat ng pako na ibinaon ko sa bakod natin.  Ibig sabihin ay hindi na rin ako magagalitin”  buong pagmamalaki ni Dave.

“Magaling anak, napagtagumpayan mo na nga ang iyong galit.  Ngayon naman ay gusto kong pagmasdan mong maigi ang ating lumang bakod.  Gusto kong pansinin mo ang bawat butas na nilikha ng mga pako.  Pwede nating takpan ng masilya ang mga butas pero ang totoo ay permanente nang lumikha ng sira ang mga pakong ibinaon mo dito sa bakod natin. Ganun din anak pagdating sa mga taong nakagalit mo noon at napagsalitaan mo ng masasakit.  Pwede kang humingi ng tawad pero lumilikha ng sugat at pilat sa puso ang bawat masasakit na salitang binibitawan mo gawa ng iyong galit. Kaya sa susunod na magagalit ka ay maging maingat ka sana sa bawat salitang lalabas sa iyong bibig.  Sa halip na saktan ay protektahan mo ang mga kaibigan at mga mahal mo sa buhay.  Dahil di hamak na mas mahalaga sila kaysa sa lumang bakod na ito." Ang mahinahon at mahabang paliwanag ni Mario.

Hindi maiwasang mapaluha ni Dave habang pinakikinggan ang sinasabi ng kanyang ama. Kinabukasan... “Dad, halika sa likod-bahay. May ipapakita ako sayo,” sabi ni Dave. Pagdating sa likod-bahay ay bumungad kay Mario ang isang bagong gawang bakod na si Dave ang lumikha.

“Bilang pasasalamat sa itinuro ninyo ay nagtayo ako ng bagong bakod.  At gaya ng bakod na ito, simula ngayon ay isa na rin akong bagong nilalang.  Hindi na ako si Dave na magagalitan at masakit magsalita.  Ako na si Dave na marunong magtimpi ng galit at mahinahong magsalita gaya ng aking pinakamamahal na ama."

15 comments:

  1. nice story parekoy... meron talagang taong di marunong magtimpi and nakakapagbitaw ng salita without knowing na nakakasakit na sila... madami na ako naencounter na ganytan lalo na nung nagca-call center pa ako hehe... pero the best way to deal with them is to do and to speak nothing.. kasi kapag nakipagsabayan ka lalo lang gugulo....hopefully marami pang ganitong ama na marunong dumissiplina sa anak sa maayos at mabuting paraan

    ReplyDelete
  2. Wait? nagpaparinig ka ba kuya? akong ako yan eh! naku kuya ah? inspired ba sakin yan? ahahhahaha.

    pero tama ka, sabi ng sa bible, words are powerful dapat hindi corrupt words ang lumalabas sa bibig natin. May mga salita tayung nasasabi na hindi sinasadya at hindi nain alam, nagcecreate tayu ng hole sa puso ng taong yun, na maging dahilan upang malito siya/ma deform ang personlity niya.

    Thanks sa reminder kuya!

    ReplyDelete
  3. ganda ng iyong story fiel :) kung values ed ang itinuturo ko, magagawa kong ipabasa ito sa mga sa estudyante :)

    kaso nasaktan ako sa mga salitang 'butas' nung binubunot na ni Dave yung mga pako sa bakod, naalala ko yung mga butas sa mukha ko likha ng mga tigyawat hahaha :)

    ReplyDelete
  4. May kinalaman ito sa posting mo sa FB kamakailan lang, he,he,he. Lahat naman tayo may mga pagkakataong nagagalit at hindi natin alam na nakakasakit na tayo sa ating mga pananalita. Yung mga butas, hindi man siyang puwedeng ibalik sa dati, oero may mga pagkakataong maaarin nating ayusin. Mainam na may pagsisisi kesa wala. Magandang gabi Sir Fiel!

    ReplyDelete
  5. isang itong magandang kwento fiel-kun upang iparating ang maaaring maging epekto ng masasakit na salita sa kapwa.

    eto dapat yung mga pinapabasa sa mga taong walang pakundangan sa pagbitaw ng mga salita.hehe. :)

    ReplyDelete
  6. Ganda! Galing mo pa din magsulat forever. Namiss ko magpunta sa blog mo Fiel. <3

    ReplyDelete
  7. Awe! miss your blog man.. Ganda ng post na to! though di kami close ng tatay ko, but the kindness and yung pagiging understanding ni tatay is dope!

    ReplyDelete
  8. very very very very very timely for me to read. Salamat Fiel :)

    ReplyDelete
  9. This is really attentiongrabbing, You're a very professional blogger. I have joined your rss feed and sit up for in search of extra of your fantastic post. @ Packers and Movers Kolkata
    Packers And Movers Kolkata to ahmedabad


    ReplyDelete

 
TOP